DAGUPAN CITY- Itinuturing na isang panibagong pasakit para sa manggagawang Pilipino ang dagdag na kontribusyon sa Social Security System.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jerome Adonis, Secretary General ng Kilusang Mayo Uno, dahil sa tumitinding krisis sa panahong ito ay itinuturing na mabigat na pasanin ang pagtaas ng kontribusyon sa SSS. 

Aniya, hindi rin kinakikitaan ng grupo ng transparency at accountability ang nasabing ahensiya kung saan napupunta ang pera ng mga manggagawang Pilipino.

--Ads--

Dagdag niya, kung titingnang mabuti ay masyado nang mabigat ang binabayarang monthly contribution at kung daragdagan pa ang masyado nang mapapa-aray ang mga ordinaryong manggagawa.

Dapat din umanong magkaroon ng public report ang ahensiya bago gumawa ng panibagong hakbang upang hindi mabigla ang mga mamamayan, lalo na ngayon at matindi ang kinakaharap ng bansa. 

Samantala, itinuturing ng grupo na pagiging makasarili ang ilang mga hakbang ng ilang ahensiya ng pamahalaan at pasakit ito para sa mga Pilipino. 

Panawagan naman ng grupo na magsalita ang mga manggagawa at SSS pensioner upang maipahayag ang kanilang saloobin at karapatan ukol sa mga nangyayaring isyu sa bansa.