Dagupan City – Inanunsyo ng Department of Budget and Management ang pagtaas ng sahod at benepisyo ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas sa kapakanan ng kapulisan.

Ayon kay PBGen. Dindo Reyes, Regional Director of Police Region 1, inaasahang magreresulta ang pagtaas ng sahod sa mas masigasig at episyenteng pagganap ng tungkulin ng buong hanay ng kapulisan.

Binigyang-diin din ng opisyal na prayoridad ng administrasyon ni Bongbong Marcos, kasama ang Department of the Interior and Local Government at ang pamunhan ng PNP, ang kapakanan, moral, at mga benepisyo ng bawat pulis sa bansa.

--Ads--

Kabilang sa mga pagnabago ang dagdag na ₱200 kada araw sa subsistence allowance ng mga pulis, bukod pa sa pagtaas ng kanilang base pay.

Layunin ng hakbang na ito na higit pang mapalakas ang loob at dedikasyon ng mga pulis sa kanilang serbisyo.

Binanggit din ng Regional Director ang patuloy na paalala ng PNP Chief hinggil sa pagbibigay ng mabilis, tapat at makabuluhang serbisyo sa mamamayan.

Para kay Reyes, mahalaga ang pagtaas ng sahod hindi lamang para sa pagpapabuti ng moral ng mga pulis kundi pati na rin sa kapakanan ng kanilang pamilya.

Sa pamamagitan ng dagdag-benepisyo, inaasahang mas mapapabuti ang kalagayan ng pamumuhay ng mga pamilya ng mga pulis at mas mapatitibay ang kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.