DAGUPAN CITY– Pahirapan ang contact tracing sa barangay Bantayan, sa bayan ng Mangaldan kung saan ay may nasawi sa covid 19.

Naka home quarantine ngayon ang buong pamilya, kaanak at mga kaibigan na dumalo sa lamay ng 75 taong gulang na nasawing covid 19 patient sa nasabing lugar.

Ayon sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Dagupan, pahirapan ang contact tracing dahil bukod sa nilamayan pa siya ng isang araw ay marami na rin ang bumisita sa pasyente bago ito bawian ng buhay.

--Ads--

Nabatid na nitong Sabado ay isinugod sa pagamutan ang pasyente matapos madulas sa kanilang bahay at nabagok ang kanyang ulo.

Bahagi ng hospital protocol na isailalim sa swab test ang pasyente kahit walang sintomas ng covid 19 at wala rin siyang travel history.

Binawian ng buhay ang pasyente at nilamayan siya dahil hindi naman siya PUI o PUM. Pero matapos ang 2 araw mula nang siya ay i swab test ay lumabas na positibo siya sa covid 19.

Agad namang inilibing ang pasyente paglabas ng resulta.

Magkatuwang ngayon ang barangay contact tracing team, RHU at DOH sa pagtukoy sa mga direct contact ng pasyente.