DAGUPAN CITY- Nagpaalala ang COMELEC Dagupan ukol sa registration para sa susunod na halalan, SOCE filing at karagdagang honorarium ng mga guro.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Officer ng COMELEC Dagupan City, kanyang muling ipinaalala sa publiko ang mga importanteng paalala kaugnay ng halalan.
Ayon kay Atty. Sarmiento, kinakailangang magpakita ng isang valid ID ang sinumang nagnanais na magparehistro o lumipat ng voting residence. Mahigpit itong ipinatutupad bilang bahagi ng proseso ng pagboto.
Samantala, binigyang-diin din ni Atty. Sarmiento na obligasyon ng bawat kandidato ang pagsusumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Babala niya, magkakaroon ng kaukulang parusa ang sinumang hindi susunod sa alituntuning ito, kaya’t hinihikayat ang mga kandidato na huwag balewalain ang nasabing dokumento.
Isa rin sa mga inaabangan ngayon ay ang usapin ng karagdagang honorarium para sa mga guro at iba pang election workers.
Ayon sa kanya, agad itong ipamamahagi sa oras na ito ay mailabas ng kinauukulang ahensya.
Paalala rin ni Atty. Sarmiento sa mga nais magtanong ukol sa rehistrasyon, SOCE, o iba pang isyu kaugnay ng halalan, magtungo lamang sa opisina ng COMELEC sa Dagupan City upang makakuha ng tamang impormasyon.