Pinangunahan ng Bureau of Fire Protection–Lingayen, ang pagsasagawa ng Coastal Clean-Up Drive na tinawag na “Bumbasurero” sa Lingayen Baywalk dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Layunin ng inisyatibong ito na linisin at pangalagaan ang baybayin bilang bahagi ng kanilang adbokasiya para sa kalikasan.
Sa aktibidad, personal na nakiisa at nagtrabaho ang mga tauhan ng BFP-Lingayen, na nagpakita ng matibay na dedikasyon, pagkakaisa, at tunay na malasakit sa kapaligiran.
Mula sa pagpulot ng basura hanggang sa wastong segregasyon ng mga nakalap na kalat, ipinamalas ng grupo ang kanilang pagiging aktibong katuwang sa pangangalaga ng kalikasan at sa pagpapanatili ng kalinisan sa lugar.
Bukod sa paglilinis, nagsilbi rin ang aktibidad bilang paalala sa kahalagahan ng kontribusyon ng bawat indibidwal at organisasyon sa pangangalaga ng marine ecosystem.
Ang kolektibong pagsisikap na ito ay nagbigay-diin sa responsibilidad ng komunidad sa pagpapanatiling malinis, ligtas, at maganda ang Lingayen Baywalk para sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon.
Sa pamamagitan ng “BUMBasurero,” muling pinatunayang mahalaga ang kooperasyon at aktibong pakikilahok ng lokal na pamahalaan, mga ahensya, at mamamayan sa pangangalaga ng likas na yaman ng Pangasinan.










