Proud at masayang-masaya ang gurong si Romy De Guzman na siyang nagsilbing coach ng DagupeƱong two-time gold medalist sa larangan ng high jump na si Alberto Ubando matapos ang kaniyang pagkapanalo sa men’s high jump category sa naganap na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85.

Kinilala ng naturang guro ng Bonuan Boquig National High School ang angking galing at determinasyon ni Ubando kung kaya’t patuloy ang suportang ibinibigay nito sa kaniya.

Ayon pa kay De Guzman, elementary pa lamang daw ay nakitaan niya na ng potensyal ang naturang atleta kaya naman minabuti niya itong simulang isanay sa high jumping.

--Ads--

Bagamat nabanggit ni Ubando na sa larangan ng basketball siya unang naenganyo, saad ng kaniyang coach na mas nangingibabaw ang kaniyang husay sa pagtalon dahil kaya niya umanong tapikin ang basketball ring.

Mas umigting ang kagustuhan ni De Guzman na i-train ang naturang atleta dahil noon pa lamang aniya ay ipinapakita na nito ang determinasyon na matuto at mag-ensayo.

Sa katunayan nga ay ang mismong coach ang nagtalaga sa kaniya sa mga eskwelahan sa Manila dahil isa si Ubando sa mga disiplinadong manlalaro. Ang guro rin ang nageenganyo na sumali si Ubando sa iba’t ibang event dahil nakita niya ang running form nito maging ang pag-bounce ng kaniyang mga paa.

Umaasa ang naturang coach na sana ay malayo pa ang marating ng atleta at makamit nito ang kaniyang mga pangarap at maibahagi rin niya ang kaniyang mga naging karanasan para sa mga kabataang nangangarap din sa parehong daang kaniyang tinahak.

TINIG NI COACH ROMY DE GUZMAN