DAGUPAN CITY- Nakaranas man ng pagbagyo ang Sri Lanka, hindi pa rin nawawala ang Christmas Spirit ngayon papalapit na ang kapaskuhan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Priscilla Rollo Wijesooriya, Bombo International News Correspondent sa Sri Lanka, unang araw pa lamang ng Disyembre ay nakitaan na niya ng mga dekorasyong pang-pasko ang ilang mga lugar sa kanilang bansa.

Aniya, bagaman nakakalungkot ang kamakailang pagbaha na ikinasawi ng daan-daang katao, ay unti-unti pa rin nilang nararamdaman ang diwa ng papalapit na kapaskuhan para sa taon na ito.

--Ads--

Nagbigay umano ng 60%-80% discount ang mga shopping malls, partikular na sa mga damit, at buy 1 take 1 para sa mga consumers lalo na sa mga nasalanta.

Ibinahagi naman ni Wijesooriya na may pagkakaiba ang selebrasyon ng pasko sa Sri Lanka kumpara sa Pilipinas.

Isa na rito na ‘di tulad sa Pinas, tuwing Disyembre lamang nagsisimula magkabit ng dekorasyon sa kanilang bansa.

Habang pagdating sa pagkain, hindi mawawala aniya ang specialty ng mga Sri Lankan na maaanghang na pagkain.

Gayunpaman, hindi pa rin aniya mawawala ang mga prutas, salad, at ilang pasta na tulad sa Pilipinas.

Ibinahagi pa niya na patuloy pa rin niyang isinasagawa ang mga nakagawian ng siang Kristyano sa tuwing pasko tulad ng pagbibigay ng regalo at pagdalo sa simbang gabi.