Target na maibalik ng CENPELCO ang suplay ng kuryente sa loob ng dalawang araw.
Ayon kay Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng CENPELCO, nagsimula na kahapon ang kanilang assessment ng status ng distribution lines upang matukoy ang lawak ng pinsala at mga lugar na kailangang unahing ayusin.
Kung saan tuloy-tuloy ang kanilang restoration efforts at halos 50 porsyento na ng suplay ng kuryente ang naibalik, at hanggang kagabi ay nagpatuloy ang mga night shift crews sa pag-energize ng mga linya.
Gayunman, ipinaliwanag ng opisyal na hindi pantay-pantay ang pagbabalik ng kuryente dahil may ilang bayan pa rin ang may natumbang poste at mga punong bumagsak sa linya.
Hinimok ni Engr. Corpuz ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang area offices sakaling may makita pang mga natumbang puno o sirang linya ng kuryente upang maiwasan ang anumang aksidente o pagkakuryente.
Patuloy namang nananawagan ang CENPELCO ng pang-unawa mula sa publiko habang isinasagawa ang mga kinakailangang pagkukumpuni upang agad na maibalik ang normal na suplay ng kuryente sa kanilang franchise area.










