Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang Center for People Empowerment in Governance (CENPEG) kaugnay ng pagpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2026 national budget, matapos umanong manatili sa pinal na bersyon nito ang mga kuwestiyonableng probisyon.
Ayon kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng CENPEG, batay sa na-ratify na bicameral conference committee report, hindi inalis ang mga kontrobersiyal na ipinasok sa final budget.
Ito ay sa kabila ng malawakang kritisismo at mga babala mula sa ilang ekonomista hinggil sa posibleng epekto ng nasabing panukala.
Partikular na tinukoy ni Simbulan ang pagpapanatili ng unprogrammed appropriations, na aniya’y patuloy na nagiging sanhi ng pangamba dahil maaari itong magamit bilang pampulitikang kasangkapan.
Dagdag pa niya, halos nadoble umano ang ilang alokasyon tulad ng ayuda, confidential funds, budget ng NTF-ELCAC, at malalaking pondo para sa infrastructure projects na nananatiling kuwestiyonable dahil sa kakulangan ng malinaw at transparent na paliwanag.
Binigyang-diin ng CENPEG na ang patuloy na paggamit ng unprogrammed appropriations ay isang seryosong panganib, lalo na kung walang malinaw na mekanismo ng pananagutan.
Dahil dito, nanawagan ang grupo sa publiko at mga institusyon na maging mapagmatyag sa implementasyon ng badyet at sa kung paano aktuwal na gagastusin ang pondo ng bayan.
Nanawagan din si Simbulan sa administrasyon na magpakita ng tunay na budget reform, lalo na matapos ang mga iskandalong pumutok sa mga nagdaang pambansang badyet.
Ayon sa kanya, bagama’t may mga kasong isinampa noon, wala umanong mga mataas na opisyal o tinaguriang “big fish” ang nakulong.
Aniya, ang mga naparusahan ay pawang maliliit na opisyal lamang, habang ang mga umano’y pangunahing nakinabang sa mga budget insertions ay nanatiling malaya.
Dahil dito, nagpahayag ng pagdududa ang CENPEG sa intensiyon ng Pangulo, lalo na’t hindi umano natupad ang pangakong bago mag-Pasko ay may makukulong kaugnay ng mga anomalya sa badyet.










