Tinututulan ng grupong BUSINA ang pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy o NCAP, dahil hindi umano ito napapanahon at maaaring lalo pang magpahirap sa mga drayber.

Ayon kay Marlyn Dela Cruz, presidente ng BUSINA, isa sa mga dagdag na hamon sa mga drayber ang pagpapatupad ng NCAP sa National Capital Region, kung saan gumagamit ng CCTV, digital cameras at iba pang teknolohiya upang matukoy ang mga traffic violation nang hindi kinakailangang pisikal na parahin ng traffic enforcer ang motorista.

Ayon sa kanya, marami pang problemang kailangang tugunan bago ipatupad nang mahigpit ang programa. Kabilang dito ang kakulangan sa road markings at signage, hindi gumaganang traffic lights, at kawalan ng malinaw na lugar para sa pagsakay at pagbaba ng mga pasahero.

--Ads--

Dagdag pa ni Dela Cruz, marami ring drayber ang walang sapat na orientation tungkol sa NCAP kaya nagkakaroon ng kalituhan sa pagpapatupad ng mga panuntunan.

Aniya, handa naman ang mga drayber at operator na sumunod, ngunit dapat munang pag-aralan nang mabuti ang programa at ang mga ipinapataw na penalty, lalo na para sa maliliit na operator at drayber.

Hindi na rin bago ang pagtutol ng ilang transport groups sa NCAP. Noong 2022, ilang grupo ang umapela sa Supreme Court laban sa pagpapatupad nito, na kalaunan ay nasuspinde sa pamamagitan ng temporary restraining order.

Samantala, nagpapasalamat naman ang BUSINA sa pisong dagdag sa pasahe na makatutulong sa mga drayber sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel.

Gayunman, nananawagan pa rin ang grupo sa pamahalaan na mapababa ang presyo ng langis upang higit na maibsan ang gastusin ng mga drayber.