DAGUPAN CITY — Binigyang-diin ng Bureau of Fire Protection (BFP) Anda na wala pa silang naitatalang anumang firecracker-related incident sa kanilang lugar na nasasakupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay FO2 Reynand Carolino, ng Bureau of Fire Protection (BFP) Anda, tiniyak nito na patuloy ang kanilang ipnapataw na mga paghihigpit kaugnay sa mga hakbang na dapat at di dapat na gawin upang makaiwas sa anumang insidente ng pagkasunog.
Aniya na kumpara noong nakaraang mga taon ay mababa ang mga naitala nilang insidente ng pagkasunog na may kaugnayan sa paggamit ng mga paputok.
Maliban dito ay wala pa rin naman sila umanong naitatalang malulubhang nasugatan patungkol sa usapin, di tulad noong nakalipas na mga taon kung saan ay may ilang mga naitalang mga nagtamo ng sugat dahil sa paggamit ng paputok.
Ikinatuwa naman nila na nagpapakita ng mas maigting na pagsunod ang mga residente ng bayan ng Anda ngayon sa mga ipinapaalala nilang mga hakbang sa kaligtasan, mga payo, at habilin sa mas ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon.
Kaugnay nito ay inihayag din ni Carolino na mayroon naman na silang naitalang insidente ng pagkasunog ng isang bahay sa kanilang lugar, subalit idiniin nito na hindi naman paputok ang sanhi ng pangyayari, subalit dahil sa napabayaang kandila.
Sa ngayon ay mayroon lamang 2 fire incidents ang naitala ng BFP Anda sa kanilang lugar.
Patuloy naman nilang pinaaalalahanan ang publiko at mga residente ng bayan ng Anda na maging maingat at responsable sa paggamit ng paputok at gayon na rin ang pag-iwas na bumili at gumamit ng mga ipinagbabawal na paputok, gaya na lamang ng whistle bomb, Goodbye Philippines, Lolo Thunder, Bawang, Binladen, at Five Star, at gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay tulad ng torotot, palanggana o kaldero nang sa gayon ay maging mas maligaya at ligtas ang pagsalubong sa Bagong Taon.