Isinailalim sa lockdown at Enhanced Community Quarantine ang buong barangay ng Poblacion Zone V sa bayan ng Villasis Pangasinan matapos pumalo sa 22 ang nagpositibo sa covid19 sa bisa ng inilabas na Resolution.
Kinumpirma ni Dr. Gloria Liberato, Municipal Health Officer ng Villasis na magkakapamilya ang mga nagpositibo sa sakit kung saan nasa 21 ang aktibong kaso habang isa naman ang nasawi sa covid sa Barangay Poblacion Zone 5.
Nakakaramdam ng mild symtoms ang 14 sa mga covid patient na kasalukuyang naka-home quarantine na magtatagal ng sampung araw o hanggang tanggalin ang lockdown sa April 20, 2021 para mapababa ang exposure at naitatalang kaso ng covid sa lugar.
Minomonitor namang maigi ang mga sumasailalim sa home quarantine at may triage area din para masuri kung may mga sintomas ang mga labas masok na residenteng nagtratrabaho.
Posibleng nagkaroon ng exposure ang isang miyembro ng pamilya sa isang covid19 positive patient at nagkahawaan. Wala namang travel history sa labas ng probinsiya ang mga natamaan ng sakit na residente ng barangay.




