Kinumpirma ng Dagupan City Police Office na isang panloloko o hoax ang bomb threat na iniulat sa dalawang paaralan sa Bonuan, Dagupan City matapos ang isinagawang masusing inspeksyon ng mga awtoridad.
Ayon kay City Director PCol. Arnold P. Solomon, agad na nagsagawa ng paneling operation ang mga pulis kasama ang Explosive Ordnance Disposal (EOD)-K9 Unit upang tiyaking walang improvised explosive device (IED) o anumang mapanganib na materyales sa loob ng mga paaralan.
Sinabi ni Solomon na patuloy na tinutukoy ng Anti-Cybercrime Unit ang pinagmulan ng online bomb threat.
Kasabay nito, pinalakas ng pulisya ang police visibility sa mga paaralan sa pamamagitan ng mas maigting na pagpapatrolya, pagmomonitor ng mga intelligence personnel, at pakikipag-ugnayan sa mga school officials upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani.
Personal ding nagtungo ang mga pulis sa Federico N. Ceralde Integrated School at Bonuan Bukig National High School upang magsagawa ng inspeksyon. Lumabas sa pagsusuri na walang natagpuang anumang pampasabog o banta sa seguridad, dahilan upang ideklarang negatibo ang naturang bomb threat.
Nagbabala rin ang Dagupan City Police Office na may kaukulang pananagutan sa ilalim ng umiiral na batas ang sinumang mapapatunayang nagpakalat ng pekeng bomb threat.
Hinikayat naman ni Solomon ang mga magulang, guro, at publiko na huwag mag-panic at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa mga opisyal ng barangay ang anumang kahina-hinalang impormasyon upang agad itong maaksyunan alinsunod sa standard operating procedures ng kapulisan.










