DAGUPAN CITY- Itinaas na kahapon ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council 1 Emergency Operation Center ang Blue Alert Status sa rehiyon uno dahil sa panibagong bagyong pumasok sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Adreanne Pagsolingan, spokesperson ng Office of the Civil Defense Region 1, bilang paghahanda at pagbabantay sa Tropical Depression Kristine ay muling in-activate na rin ang Bravo Emergency Preparedness and Response Protocol.

Nagsagawa na rin sila ng Pre-disaster risk assessment meeting kung saan tinukoy nila ang lagay na ng panahon at ang mga maaaring makaranas ng pagbaha at landslide.

--Ads--

Patuloy na rin ang pagbabantay ng Office of Civil Defense (OCD) sa maaaring epekto ng naturang sama ng panahon upang maging handa sa anumang emerhensiya.

Tiniyak naman ni Pagsolingan na magiging mas mabilis ang augmentation ng kanilang mga member agencies lalo na kung kakailanganin ito ng local government units.

Sa ngayon ay wala pa aniya silang nakikitang mga lugar na kailangang ipatupad ang pre-emptive evacuation. At kung kinakailangan nang magsagawa, pinapaalalahanan niya ang mga residente na sumunod na lamang sa mga kinauukulan.

Bagaman hindi pa gaanong nararamdaman ang epekto ng nasabing sama ng panahon, pinag-iingat na nila ang mga residente.

At kung may mangangailangan ng tulong sa oras ng emerhensiya, maaaring lumapit sa Facebook page ng Office of the Civil Defense Ilocos.

Aniya, maliban sa mga emergency hotlines, makikita rin sa nasabing facebook page ang mga update sa panahon.