Pangunahing suliranin na kinakaharap ng BJMP Dagupan-Male Dormitory ay ang labis na siksikan sa loob ng pasilidad.
Ayon kay Jail Chief Inspector Lito Lam-osen, Warden ng naturang piitan, hindi akma ang kasalukuyang espasyo sa bilang ng mga persons deprived of liberty (PDLs) .
Aniya punong-puno na ang mga selda maging ang sahig ay okupado na rin.
Ang iba, gumagamit pa ng tinatawag naming ‘spider web’ o mga duyan para lang magkaroon ng matutulugan.
Dahil dito, isa sa mga naging prayoridad ng BJMP ay ang pagtatayo ng bagong pasilidad sa bayan ng San Fabian, kung saan mayroong isang ektaryang lupang nakalaan para rito.
Sa kasalukuyan, isang three-storey building na may 36 na selda ang nasa ilalim ng konstruksyon, na inaasahang malaking ginhawa sa problema ng congestion.
Ayon pa kay Lam-osen, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Regional Trial Court (RTC) upang mapabilis ang mga proseso na maaaring makatulong sa pagbabawas ng bilang ng PDLs sa Dagupan facility.
Target umano na mailipat sa San Fabian ang mga PDLs na hindi residente ng Dagupan, sa sandaling makumpleto ang bagong gusali.
Tiniyak naman ng regional director ng BJMP na popunuan ang lahat ng mga kinakailangang kagamitan at pasilidad sa bagong site upang matugunan ang mga kakulangan na nararanasan sa kasalukuyan.
Sa kabila ng mga pagsisikap, binanggit din ni Lam-osen na kulang sila sa transportasyon, bagay na napakahalaga lalo na sa paglilipat ng mga PDLs at iba pang operasyon.
Umaasa sila na mabibigyan ng bagong sasakyan mula sa lokal na pamahalaan, at nabanggit na gumamit na sila ng personal na sasakyan sa ilang pagkakataon dahil sa kakulangan ng opisyal na service vehicle.
Nagsumite naman sila ng liham sa kanilang kinatawan sa Kongreso upang humingi ng suporta.
Sa ilalim ng kanilang kasalukuyang budget, sinabi ng opisyal na P70 kada araw lamang ang rice subsidy para sa bawat PDL, at limitado rin ang pondo para sa fuel, oil, at lubricants na pangunahing pangangailangan sa operasyon.
Ipinahayag ni JCINSP. Lam-osen ang pag-asa na sa tulong ng bagong pasilidad sa San Fabian at suporta mula sa iba’t ibang antas ng pamahalaan, ay masolusyunan na ang matagal nang problema ng congestion sa mga kulungan at masiguro ang mas maayos na kondisyon para sa mga PDLs.