DAGUPAN, CITY – Pinabulaanan ng tanggapan ng Binmaley PNP ang napapaulat na kidnapping sa kanilang bayan.
Ito ay kasunod ng isang post ng isang netizen sa social media site na facebook kaugnay sa naturang insidente.
Ayon kay PLt.Col. Genevive Poblete, ang Chief of Police ng Binmaley PNP, nang kanilang makita ang naturang post ay agad nilang pinahanap ang nagpost ng naturang report ay pinuntahan ng mga imbestigador at intel upang malaman ang detalye sa alleged kidnapping.
Aniya, base sa salaysay ng nagpost ng naturang impormasyon, ay wala naman umanong naganap na ganoong insidente at nilinaw na ito umano ay for public awareness lamang.
Kaya naman tiniyak ng naturang opisyal na nakahanda ang kanilang tanggapan sa pagtugon sa anumang report ng kahit anumang mga krimen sa kanilang lugar.
Ipinaalala naman ni Poblete sa mga mamamayan sa kanilang bayan lalo na sa mga bata at kababaihan na pag-ibayuhin ang pag-iingat at mariin na sundin ang mga nararapat na gawin upang maisalba ang sarili mula sa posible kidnapping o anumang mga krimen.
Kung hindi maiwasan na umuwi ng alanganing oras, maigi na magdala ng mga matutulis na bagay na magagamit para sa self defense, at gayundin ang pito na maaring magamit na pangkuha ng atensyon sa iba kapag sila ay nasa alanganing sitwasyon.
Sa ngayon ay nananatiling payapa ang kanilang bayan mula sa nabanggit na insidente.