DAGUPAN CITY – Ipinagtataka ng pamahalaang bayan ng Binmaley ang pagkakaroon ng mga titulo ng mga indibidwal sa kontrobersyal na bahagi ng lupain sa bahagi ng Andres Malong sa naturang munisipalidad.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mayor Pet Merrera, nanindigan ito na ang mga lupa sa naturang lugar ay “Owned by many” at ang ilang mga natagal nang naninirahan doon ay nabigyan lamang ng certificate of rights mula sa DENR sa loob lamang ng 25 taon ngunit hindi nangangahulugan na sa kanila mismo ang lupang iyon.

Aniya, iyon ay maikukunsiderang public domain kaya naman ito ay pag-mamay-ari at nasa hurisdikyon ng gobyerno ngunit ang naging problema lamang umano ay marami sa nabigyan ng titulo ay ibinenta ang lupa.

--Ads--

Bagaman ang ilang mga administrasyon ang nagbigay ng building permit, ngunit nanindigan ngayon si Merrera na hindi magbibigay ng naturang permit sa nabanggit na lugar.

Ayon sa kanya, nakausap na rin niya si Cong. Mark Cojuangco na una nang nagbigay ng pahayag sa problemang ito sa naturang bayan upang makipag-ugnayan para maresolba ito.

Sa ngayon ay nakipag-ugnayan rin ito sa DENR para mareresolba ang mga nabigyan nila ng certificates.