Nagwagi at iuuwi ng Bilibili Gaming (BLG) ang kampyeonato sa 2026 League of Legends First Stand Champions matapos talunin ng grupo ang koponan ng G2 Esports, 3-1, sa Grand Finals na ginanap sa São Paulo, Brazil.

Sa unang tapatan, naging agresibo ang G2 sa early game at nakapagtala ng maliit na gold advantage.

Gayunpaman, hindi nagpatinag ang BLG at nagawa pa rin makipagsabayan sa late game.

--Ads--

Naging susi naman para sa G2 na makuha ang unang laro nang kanilang ma-‘wipe out’ ang BLG sa Baron pit.

Nagtapos ang 1st game sa 23-13 kill lead ng G2.

Sa ikalawang laro, neck-and-neck ang tapat ng BLG at G2 sa umpisa.

Nakakakita man ng maliit na outplays ang BLG sa bottom lane ng G2 habang patuloy na nakakagawa ng pantay na trade back ang G2.

Habang tumatagal ang laro, nahihirapan nang dumepensa ang G2 at patuloy lamang ang pag-abante ng BLG patungo sa nexus.

Pumabor ang 2nd game sa BLG at nagtapos ito sa loob ng 39 minutes na may 28-12 kill lead.

Sa ikatlong laro naman, agad nakaabante ang BLG at nakapagtala ng maagang gold lead sa pamamagitan ng consecutive take downs.

Hindi binigyan ng koponan ng pagkakataon ang G2 na makakita ng comeback opening.

Nakuha ng BLG ang matchpoint at tinapos ang 3rd game sa loob ng 28-minutes na may 17-5 kill lead.

Sa final game, tila bumabawi ang G2 ngunit naging matibay ang estratehiya ng BLG upang makuha ang gold lead advantage.

Nagkaroon naman ng opening ang BLG nang lumipat ang G2 ng objective sa Dragon matapos mapatumba ang dalawang miyembro sa Baron.

Dito na tinapos ng BLG ang laro sa loob ng 26 minutes na may 12-8 kill lead.

Ang BLG ang hinirang na 2026 First Stand Champions at mag uuwi ng $250,000 prize pool.

Ito naman ang ikalawang First Stand Championship ni Park “Viper” Do-hyeon.

Ang unang kampyeonato ni Viper nang siya ay miyembro pa ng Hanwha Life Esports (HLE).

Tinanghal naman na Finals Most Valuable Player si Chen “Bin” Ze-Bin.