DAGUPAN CITY — Pumalo na sa 16 na katao ang naiulat na nasawi sa nangyaring malaking sunog sa Grand Diamond City, isang Cambodian hotel-casino sa Thailand.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent John Mark Zaportiza, sinabi nito na karamihan sa mga nasawi ay dahil sa suffocation mula sa makapal na usok na naging dahilan din ng pagkakulong nila sa loob ng gusali at nagpahirap sa mga bumbero na makapasok sa hotel.

--Ads--

Dagdag ni Zaportiza na lumalabas umano sa imbestigasyon ng mga kinauukulan ng bansa na nagsimula ang sunog nang sumabog ang isang gas tank ng restaurant ng nasabing hotel. Mabilis din aniyang kumalat ang apoy dahil sa malakas na hangin na nararanasan sa lugar.

Saad ni Zaportiza na marami sa mga hotel guests ang umakyat sa itaas na mga palapag nang sumiklab ang apoy dahil inakala nilang may mangliligtas sa kanila mula roon. Subalit nang wala na sila umanong mahintay na tulong ay tumalon na lamang ang iba mula sa nasusunog na gusali.

Bagamat maraming ipinadalang tulong ang gobyerno ng Thailand sa pinangyarihan ng insidente ay nahirapan pa rin silang agapan ang sitwasyon.

Natagalan din ani Zaportiza ang mga kinauukulan na apulahin ang apoy dahil na rin malayo ito sa sentro ng pinakamalapit na lungsod kaya’t marami nang parte ng gusali ang nilamon na ng apoy bago pa man makarating ang mga sumaklolong mga bumbero.

Kaugnay nito ay binigyang-diin pa ni Zaportiza na bagamat may iba pang parte ng hotel ang nakatayo ay natupok namang lubusan ang panloob na mga bahagi nito.

Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy pa rin ang imebstigasyon ng mga kinauukulan kaugnay ng nangyari at gayon na rin kung mayrron pang maaaring pagmulan o magpasiklab muli ng panibagong sunog, at gayon na rin ang paghahanap pa sa mga nawawalang indibidwal sa loob ng gusali.