DAGUPAN CITY- Hindi pa rin nagbabago ang sitwasyon sa Valencia, Spain at lumolobo pa ang bilang ng mga nasawi mula sa matinding pagbaha.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eva Tinaza, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operations ng mga otoridad at ginagawa ang lahat ng paraan para maging maayos na ang kalagayan.

Gayunpaman, aniya, bumababa na ang baha sa ilang lugar subalit may panibagong pagtaas naman sa ibang bahagi.

--Ads--

At hanggang sa ngayon ay hindi pa nagbubukas ang pasok sa mga paaralan at trabaho dahil marami pa sa mga naapektuhan ang hinahapan pa ng pansamantalang tahanan.

Hindi naman nahuhuli ang mga nagpapaabot ng tulong dahil agad rin umaaksyon ang kanilang gobyerno at maging mga may kaya at mayayaman ay nagpapaabot ng suporta.

Nabanggit din ni Tinaza na maraming mga Pilipino ang malapit sa nasabing pagbaha at, sa kabutihang palad, wala pang naitatalang kabilang sa mga nasawi.

Samantala, ibinahagi rin niya na sa loob ng 20 taon nang naninirahan sa Spain ay ito na ang pinakamatinding pagbaha na may kasabay na malakas na pag-ulan at pagkulog pagkidlat na kaniyang naranasan.

Gayunpaman, kilala na ang Valencia sa kadalasang binabaha tuwing may pag-ulan.