Inaasahang magkakaroon ng panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy nitong Biyernes.
Batay sa apat na araw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) trading, tinatayang madaragdagan ng humigit-kumulang ₱1.10 kada litro ang gasolina, ₱0.50 ang diesel, at ₱0.90 ang kerosene.
Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, ang inaasahang pagtaas ay kaugnay ng mga kaganapan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Aniya, walang malinaw na direksiyon ang galaw ng presyo ng krudo habang binabantayan ng merkado ang ikatlong round ng usapan ng dalawang bansa na ginanap noong Pebrero 26 sa Geneva.
Dagdag pa niya, nagpatupad ang Estados Unidos ng panibagong sanctions laban sa 12 tanker na nagdadala ng Iranian crude at patuloy din ang malawakang military buildup nito sa rehiyon ng Middle East.
Ang mga salik na ito ang nagtulak sa pataas na galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ipinaliwanag ni Romero na ang pinal na adjustments ay matitiyak lamang matapos ang MOPS trading ngayong Biyernes at kapag naisama na ang operating costs at iba pang premiums ng mga kompanya ng langis.
Karaniwang inaanunsiyo ng mga oil company ang opisyal na price adjustments tuwing Lunes at ipinatutupad ito sa susunod na araw.










