Pormal na ginawaran ng sertipikasyon bilang drug-cleared municipality ang bayan ng Manaoag matapos matagumpay na malinis mula sa ilegal na droga ang lahat ng 26 na barangay sa nasabing bayan.

Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, nagsimula silang dalawa lamang na barangay ang drug-free sa buong bayan, ngunit sa kanilang masigasig na pagtutulungan, naabot nila ang kasalukuyang estado kung saan lahat ng barangay ay nakapasa sa pamantayan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Bagamat isang malaking tagumpay ang pagkakamit ng drug-cleared status, kinilala ni Mayor Rosario ang hamon sa pagpapanatili nito.

--Ads--

Kaya naman, tuloy-tuloy ang mga hakbang at programa na isinasagawa upang masigurong mananatiling ligtas ang komunidad mula sa banta ng ilegal na droga.

Binigyang-diin din ng alkalde na hindi lamang ang lokal na pamahalaan at kapulisan ang may responsibilidad sa paglaban kontra droga, kundi pati na rin ang bawat residente ng Manaoag upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa kanilang mga barangay.

Isa rin sa mga ipinagmamalaki ng pamahalaang lokal ay ang pagkakaroon ng Balay Silangan Reformation Center sa Manaoag, na aniya’y halos dalawang taon nang tumutulong sa mga drug surrenderers na nagnanais na magbagong-buhay.

Inihayag rin niya na bukas ang kanilang pamahalaan sa pagtanggap ng mga drug surrenderers mula sa ibang bayan o lungsod kung kinakailangan.

Sa ngayon nakatakda umanong magkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) ang Manaoag sa ilang LGU upang mas mapaigting ang rehabilitasyon at reformation efforts sa rehiyon.