Dagupan City – Nagsagawa ng emergency meeting ang Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) ng bayan ng Calasiao bilang paghahanda sa paparating na bagyo sa inisyatiba ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Kristine Joy Soriano, spokesperson ng MDRRMO Calasiao, nagsimjla nang umikot ang mga miyembro ng DRRM team sa iba’t ivang barangay upang tulungan ang mga opisyal sa pag-activate ng kanilang Barangay DRRM Councils.
Kasabay nito ang paalala sa mga residente na ihanda ang kanilang mga tahanan at kagamitan, dahil inaasahang mararanasan ang malalakas na hangin at pag-ulan sa pagpasok ng bagyo.
Nakahanda na rin ang mga evacuation centers sa bawat barangay, kabilang ang mga barangay hall na pansamantalang tutuluyan ng mga residente kung sakaling kailanganing lumikas.
Inaasahan ang pre-emptive evacuation pagsapit ng Linggo, lalo na sa mga kabahayan na gawa sa magagaan na materyales.
Patuloy din ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa MSWD at iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan habang patuloy na binabantayan ang paggalaw ng bagyo.










