Dagupan City – Isinagawa kamakailan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Calasiao, katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP)–Calasiao, ang Formulation and Training ng Community Emergency Response Team (CERT) / Fire Auxiliary Group (FAG).

Layunin ng aktibidad na mapalakas ang kakayahan ng mga mamamayan sa pagtugon sa mga emergency at kalamidad, gayundin ang mapaigting ang kamalayan sa kahalagahan ng kaligtasan at kahandaan sa sakuna.

Dumalo sa pagsasanay ang mga piling residente mula sa iba’t ibang barangay sa Calasiao na napiling maging bahagi ng bubuuing Community Emergency Response Team at Fire Auxiliary Group ng munisipalidad.

--Ads--

Sa pamamagitan ng programa, tinuruan ang mga kalahok ng mga praktikal na kasanayan tulad ng basic life support, fire suppression, first aid, rescue operations, at tamang koordinasyon sa panahon ng sakuna.

Pinangunahan ng mga kinatawan ng ahensya ang mga demonstration at simulation exercises na nagbigay ng aktwal na karanasan sa mga kalahok sa pagresponde sa mga emergency gaya ng sunog, lindol, at iba pang sakuna, at binigyang-diin din ang papel ng bawat kasapi ng CERT/FAG sa pagpapatupad ng lokal na disaster preparedness at response plan ng bayan.

Ang CERT/FAG Training and Formulation Program ay bahagi ng patuloy na inisyatibo ng lokal na pamahalaan upang makapagtatag ng mga organisadong grupo sa barangay na kayang kumilos agad bago pa man dumating ang mga professional responder.

Layunin nitong gawing mas mabilis at epektibo ang pagresponde sa mga insidente sa antas ng komunidad.

Ang ganitong mga programa ay sumusuporta sa adbokasiya ng munisipalidad na maging isang disaster-resilient, proactive, at self-reliant na komunidad, kung saan ang bawat mamamayan ay may sapat na kaalaman at kumpiyansa sa pagtugon sa anumang panganib.

Nananawagan naman ng patuloy na pakikiisa ng publiko sa mga programa ng pamahalaang lokal hinggil sa kaligtasan at kahandaan sa sakuna.