Dagupan City – Ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Basista, Pangasinan ang pagkakaloob ng bagong fire truck mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) na inaasahang makatutulong sa mas mabilis na pagtugon sa mga insidente ng sunog sa bayan.
Ayon kay Mayor Jolly Resuello, matagal nang hinihiling ng kanilang pamahalaan ang karagdagang fire truck lalo na’t ilang malalaking sunog na rin ang naranasan ng bayan sa mga nagdaang taon, kabilang ang sunog na tumama sa pampublikong pamilihan.
Mayroon mang kasalukuyang fire truck ang munisipyo, sinabi ng alkalde na matagal na itong ginagamit at maliit lamang ang kapasidad. Sa bagong unit na ipinagkaloob ng BFP, mayroon itong kapasidad na 1,000 galon ng tubig na inaasahang makatutulong sa mas epektibong pagresponde sa mga sunog at sa pagbibigay proteksyon sa mga residente ng Basista.
Kasabay nito, patuloy ding tinututukan ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon ng pampublikong pamilihan matapos ang naganap na sunog.
Nakipagpulong na ang pamahalaang bayan sa mga vendor upang pag-usapan ang mga susunod na hakbang habang pinaplano ang pagtatayo ng bagong gusali ng pamilihan.
Bagama’t may plano na sanang agad simulan ang pagtatayo ng dalawang palapag na bagong public market, pinili muna ng alkalde na pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga vendor.
Ayon sa kanya, mahalagang matiyak muna ang relocation site ng mga tindero at tindera upang hindi sila maapektuhan habang isinasagawa ang konstruksyon ng bagong gusali.
Mayroon nang natukoy na lugar para sa pansamantalang paglilipatan ng mga vendor habang itinatayo ang bagong pamilihan.
Tinutulungan din ang pamahalaang bayan ng pamahalaang panlalawigan sa mga hakbang na ito upang matiyak na magiging maayos ang proseso at hindi maaantala ang kabuhayan ng mga negosyante sa palengke.
Upang maisakatuparan ang ilang malalaking proyekto sa bayan, kumuha rin ng loan ang lokal na pamahalaan na gagamitin sa mga proyektong may potensyal na makapagbigay ng kita sa munisipyo.
Kabilang dito ang pagtatayo ng bagong public market at pagbili ng mga lupang gagamitin para sa iba pang development projects.
Plano ring bumili ng lupa para sa bagong public cemetery na magiging mas maayos at organisado kumpara sa kasalukuyang sementeryo.
Layunin ng proyekto na magkaroon ng mas maayos na pasilidad kabilang ang mga kalsada sa loob ng lugar, parke, chapel, espasyo para sa mausoleo, at mga lugar para sa libingan. Plano rin ng pamahalaang bayan na magkaroon ng pasilidad para sa cremation at iba pang serbisyo upang maging mas kumpleto ang serbisyo sa publiko.
Tinitiyak naman ng lokal na pamahalaan na dadaan sa tamang proseso ang lahat ng proyektong ito, kabilang ang appraisal at iba pang kinakailangang dokumentasyon, bago tuluyang maisakatuparan ang mga plano.
Sa kabuuan, layunin ng mga proyektong ito na mapabuti ang serbisyo ng pamahalaan at mapalakas ang kaunlaran ng bayan ng Basista habang patuloy na binibigyang prayoridad ang kapakanan ng mga residente at mga negosyante sa komunidad.










