Dagupan City – Nanatiling payapa ang sitwasyon sa mga bayan ng Alcala at Manaoag dahil sa nagpapatuloy na isinasagawang Comelec Checkpoint Operations ng kapulisan sa kanilang nasasakupan.

Sa ulat ng mga awtoridad, wala pang nakukumpiskang baril o anumang armas maging ang mga lumabag nito mula nang magsimula ang pagpapatupad noong Enero 12.

Ayon kay Pmaj. Mark Tubadeza, Officer in Charge ng Alcala Municipal Police Station na pinapaigting nila ang pagtutok sa kanilang mandato sa iba’t ibang operasyon na may kaugnayan sa eleksyon.

--Ads--

Aniya na wala pang violators na naitatala sa kanilang bayan ngunit may mga indibidwal na ang nagpapadeposit at safekeep sa kanya-kanyang baril lalo na ang mga hindi pa rehistrado o paso na ang lisensya.

Nagpapatuloy din ang kanilang oplan katok sa bawat indibidwal na nasa kanilang listahan upang mapaalalahanan ang mga ito sa mga dapat gawin sa kanilang mga armas.

Sa kabilang banda, ayon kay Pmaj. Peter Paul V. Sison ang Officer in Charge ng Manaoag Municipal Police Station bagamat wala pa din silang nakukumpiskang baril sa kanilang comelec checkpoint ngunit may 2 na sa kanilang tala para naman sa search warrant ng loose firearms.

Saad pa nito na may mga nagpupunta din naman na mga sibilyan sa kanilang opisina sa bawat araw na nagsurrender o safekeep ng baril.

Umaabot sa isa hanggang 2 bawat araw ang nakokolekta nila mula sa mga indibidwal na agad namang dinadala sa Provincial Office upang doon muna pansamantala ipasakamay.

Samantala, ang mga ganitong hakbang at gawain ay nagpapakita ng patuloy na paglilingkod ng hanay ng kapulisan sa pagtiyak ng maayos at ligtas na eleksyon ngayong taon.