Pinatunayan ng isang barefoot runner mula Western Visayas ang kaniyang angkin galing at pagsusumikap upang maiuwi ang gintong medalya sa 200M dash Elementary Girls, kasama ang panibagong record.
Tagumpay at ika-11 kaarawan ang ipinagdiwang ni Trixia Anne Arellano matapos pangunahan ang 200-meter run ng walang sapin sa paa at tanging nakapulupot na tape ang pumoprotekta sa kaniyang paanan.
Maliban sa gintong medalya ay nagawa niya pang mahigitan ang 2008 record ni Maureen Schrijvers na may 26.7 seconds matapos niyang maitala ang 26.40 seconds.
Labis naman ang tuwa at galak na naramdaman ni Arellano dahil aniya, hindi naging biro ang kaniyang pinagdaanan para matupad ang kahilingan sa kaniyang kaarawan.
Taus-puso rin niyang pinasasalamatan ang mga walang sawang sumuporta sa kaniya at nag-ensayo.