DAGUPAN CITY- Umabot sa 13 barangay sa bayan ng Calasiao ang nakakaranas ng pagbaha dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.

Ayon kay Kristine Joy Soriano, Local Disaster Risk Reduction Management Office III ng Calasiao Municipal Disaster Risk Reduction Management Council, patuloy ang kanilang pagmomonitor sa mga barangay para mabantayan ang kasalukuyang nararanasang epekto ng kanilang nasasakupan mula sa pagulan.

Aniya, kabilang na sa mga naitalang pagbaha ay sa Brgy. Nalsian, Brgy. Lumbang, Brgy. Poblacion East, Brgy. Talibaew, Brgy. Lasip, Brgy. Gabon, bahagi ng Brgy. Ambonao, Brgy. Longos, Brgy. Banaoang, Brgy. Buenlag, Brgy. Tuyong. at Brgy. Mancup.

--Ads--

Patuloy din ang kanilang pagbabantay sa Marusay River dahil umabot sa 7.4 ft above normal level ang taas nito, kahapon ng umaga.

Sinabi ni Soriano na nananatiling nakabukas ang kanilang opisina para sa mga taong nangangailangan ng paglikas.

Dagdag pa niya, kanselado na din ang mga klase sa kanilang bayan ngayon araw.

Samantala, patuloy din ang monitoring ng mga barangay officials sa Brgy. Nagsaing, sa parehong bayan, dahil sa pagtaas ng tubig sa kanilang lugar dulot ng patuloy na nararanasang malakas na pag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Rado Dagupan kay Jose Paris Jr., Barangay Captain ng nasabing lugar, nananatiling ligtas pa rin ang kanilang nasasakupan kahit pa man na malapit lamang sila sa Marusay river.

May ilang bahagi lamang sa kanilang lugar ang bahagyang binaha subalit, lahat ng mga kakalsadahan sa bawat Sitio ay nadadaanan pa din.

Sa patuloy na kanilang monitoring, may ilan na mga streetlights ang hindi na gumagana dulot ng kamakailang pagkidlat.

Nananatili naman na nasa ligtas na kalagayan ang mga residente ng kanilang barangay.

Dagdag pa ni Paris Jr., nasa higit 10 na opisyal ang nagmomonitor sa kanilang lugar.