DAGUPAN CITY- Ibinahagi ni Kapitan Wilmer Castañares ng Barangay Bonuan Binloc ang mga tagumpay ng kanilang barangay noong 2025, kung saan nakamit nila ang mga proyekto sa kaligtasan, peace and order, at kaayusan.
Sa kaligtasan, naglagay sila ng 120 solar streetlights sa iba’t ibang sitio at nagumpisa ng proyekto para sa drainage sa mga lugar na binabaha.
Malaki rin ang naitulong ng mga streetlights at signages sa highway para mabawasan ang aksidente.
Aniya, 24 oras na nagpapatrolya ang mga tanod, at mayroon silang social media account para sa agarang feedback habang malaki rin aniya ang tamang koordinasyon sa PNP, tanod, at Barangay Council ng mga residente para mabawasan ang krimen.
Sa ilegal na droga, marami na aniya silang nahuhuli sa tulong ng mga kapulisan kung saan umabot na ng mahigit-milyon ang halaga ng nakukumpiska nilang droga.
Hinikayat din niya ang kanyang mga kabarangay na gumagamit nito na magbago na.
Saad niya na may mga barangay ordinance silang ginawa na nakatulong sa kanilang mga serbisyo gaya ng pagbabawal sa mga menor de edad na gumala sa gabi at nabawasan na rin ang reklamo sa videoke dahil sa curfew.
Samantala, Para sa 2026, plano nilang dagdagan ang CCTV, public address system, at solar lightings kung saan aayusin din ang sistema ng basura sa tulong ng siyudad dahil nakabili na sila ng bagong truck at bibigyan din ng pansin ang drainage at kalsada.
Sa kabuuan , hiniling ni Kapitan Castañares ang suporta ng kanyang mga kabarangay para magtuloy-tuloy ang kanilang mga proyekto.










