Sugatan ang isang bar manager sa bayan ng Bugallon, Pangasinan matapos itong saksakin ng isang customer na umano’y tumakas nang hindi nagbayad ng kanilang ininom.

Naganap ang insidente pasado alas-onse ng gabi sa Barangay Poblacion, Bugallon.

Batay sa paunang impormasyon, nag-inuman sa nasabing bar ang suspek kasama ang ilang kaibigan kung saan manager ang biktima.

--Ads--

Makalipas ang ilang sandali, umalis umano ang grupo nang hindi inaayos ang kanilang bayarin.

Dahil dito, nagpasya ang bar manager at isang kasamahan na magtungo sa Bugallon Police Station upang i-report ang insidente.

Gayunman, hinarang umano sila ng suspek bago pa makarating sa himpilan ng pulisya.

Tinangka umanong tumakas ng mga biktima subalit hinabol sila ng suspek na armado ng kutsilyo.

Sa gitna ng paghabol, nadapa ang bar manager at dito siya sinaksak sa kaliwang hita.

Sinubukan pa siyang tulungan ng kanyang kasama ngunit hinabol din ito ng suspek hanggang sa madapa sa semento.

Dahil sa insidente, nagtamo ng saksak sa hita ang bar manager habang nagtamo naman ng mga galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang kanyang kasama.

Agad silang dinala sa pagamutan upang malapatan ng lunas.

Samantala, naaresto ng mga rumesponding pulis ang suspek at kasalukuyang nahaharap sa kaukulang kaso.