Dagupan City – Hayagang sinuportahan ng Buhay ang People Power Campaign Network (BAPP) at Tindig Pilipinas ang panukalang batas laban sa political dynasty sa bansa.

Ayon kay Kiko Aquino Dee, convenor ng BAPP at Tindig Pilipinas, pabor ang kanilang grupo sa pagpapatupad ng isang Anti-Political Dynasty Law na sasaklaw hanggang ika-apat na antas ng pagkakamag-anak o affinity at consanguinity.

Iminungkahi ni Dee na dapat ipagbawal ang sabay-sabay na paghawak ng posisyon sa pamahalaan ng mga magkakamag-anak sa loob ng parehong pamilya.

--Ads--

Aniya, hindi rin dapat payagan na agad mapalitan ng kaanak ang isang opisyal matapos ang kanyang termino upang maiwasan ang pagpapatuloy ng kapangyarihan sa iisang angkan.

Batay sa 1987 Constitution of the Philippines, partikular sa Artikulo II, Seksyon 26, inaatasan ang Estado na tiyakin ang pantay na pag-access sa mga oportunidad sa serbisyo publiko at ipagbawal ang political dynasties ayon sa maaaring itadhana ng batas.

Gayunman, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang naipapasang enabling law na ganap na magbibigay-kahulugan at magpapatupad sa probisyong ito.

Giit ni Dee, dapat ituring na “overlapping constituency” ang sitwasyon kung saan ang mga magkakapamilya ay sabay-sabay na nanunungkulan sa iisang lalawigan, lungsod, o distrito, dahil nagiging limitado umano ang pagpipilian ng mga botante at napipigilan ang pag-usbong ng bagong liderato.