Nanawagan si Cathy Estavillo, Spokesperson ng grupong Bantay Bigas, na bilhin ng gobyerno sa halagang P20 kada kilo ang sariwang palay mula sa mga lokal na magsasaka.

Kasabay nito, iginiit niya ang pangangailangang dagdagan ang pondo ng National Food Authority (NFA) upang makabili ng sapat na dami ng ani at matiyak ang kita ng mga magsasaka.

Ayon kay Estavillo, kailangang maglagay ng rolling stores ang NFA sa bawat barangay upang direktang maibenta sa mga mamimili ang bigas na mula sa lokal na ani.

--Ads--

Isa ito sa mga hakbang upang masigurong may abot-kayang bigas sa merkado at hindi na kailangang umasa sa imported na produkto.

Binatikos naman niya ang patuloy na pagpapatupad ng Republic Act 11203 o mas kilala bilang Rice Tariffication Law, na aniya’y patuloy na nagpapahirap sa mga magsasaka at nagiging hadlang sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas sa bansa.

Aniya dapat na itong ibasura dahil hindi ito nakatulong sa ating rice industry, lalo na’t maraming magsasaka ang nalulugi at napipilitang tumigil sa pagtatanim.

Bagamat may nakalaang P9 bilyong pondo para sa pagbili ng palay, hindi ito sapat kung hindi palalakasin ang mandato ng NFA.

Sa katunayan, may mga opisyal na rin umano mula sa Department of Agriculture (DA) na nananawagang i-review ang batas at ibalik ang dating tungkulin ng NFA sa rice procurement at price stabilization.

Dagdag pa ni Estavillo, negatibo rin ang epekto ng Executive Order No. 62, na nag-alis sa NFA sa ilalim ng Office of the President, at lalo lamang raw nagpapahina sa kakayahan ng ahensyang tugunan ang mga isyu sa suplay at presyo ng bigas.

Ibinabala rin niya na habang hindi pa naisasabatas ang Rice Industry Development Act, ay patuloy na mananatiling walang katiyakan ang suplay ng pagkain sa bansa.

Nanawagan si Estavillo ng pakikiisa mula sa mga magsasaka at konsyumer sa isang kilos-protesta sa darating na Agosto 20 sa Kongreso, upang kondenahin ang implementasyon ng RA 11203 at igiit ang tunay na reporma sa sektor ng agrikultura.