BOMBO DAGUPAN – Natagpuang palutang lutang ang wala ng buhay na katawan ng isang babae sa bahagi ng Angalacan River sa Brgy. Embarcadero sa bayan ng Mangaldan.

Ito ay matapos magkayayaan ang mga magkakaibigan na lumangoy sa Angalacan River sa Brgy. Casibong sa bayan ng San Jacinto dahilan ng pagkalunod ng isa nilang kasamahan.

Ayon kay PCapt. Vladimir Lalas Deputy Chief of Police, San Jacinto PNP na lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na bandang ala-1:00 ng hapon ang biktima na 13 taong gulang, Grade 8 student, at residente ng nasabing bayan kasama ang kanyang mga kaibigan na pawang mga residente din ng Brgy. Casibong.

--Ads--

Kung saan nagtungo sila sa nasabing ilog upang lumangoy at habang sila ay lumalangoy, napunta umano ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog dahilan para hilahin siya ng malakas na agos ng tubig at nawala na naging dahilan upang humingi ng tulong ang kanyang mga kaibigan.

Matapos naman ang halos apat na oras ay natagpuan ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa bahagi ng Angalacan River sa bayan ng Mangaldan ng isang concerned citizen at dinala sa RHU Mangaldan pagkatapos ay inilipat sa Region 1 Medical Center sa lungsod ng Dagupan para sa agarang medikal na atensyon ngunit ito ay idineklara na dead on arrival ng kaniyang attending physician.

Nagpaalala naman si Lalas na ugaliing mag-ingat lalo na kapag pupunta sa mga ilog subalit sa ngayon ay ipinagbabawal munang maligo sa mga kailugan sa lalawigan dahil mataas pa ang mga tubig dulot ng nagdaang bagyo.