Nagbabala ang grupong Ban Toxics sa mga magulang hinggil sa mga nakalalasong kemikal na posibleng taglay ng mga murang plastic beach toys na talamak na ibinebenta ngayon sa mga bangketa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Tony Dizon, Campaigner ng Ban Toxics, ibinunyag nito na sa kanilang isinagawang pagsusuri sa mga produktong gaya ng sand toys at toy guns, nakitaan ang mga ito ng mataas na antas ng cadmium, mercury, at lead. Ang mga kemikal na ito ay mapanganib lalo na’t madalas gamitin ng mga bata ang mga naturang laruan upang maibsan ang init ng panahon sa mga beach at paliguan.
Ayon kay Dizon, base sa World Health Organization, tumataas ang panganib ng exposure ng mga bata sa mga kemikal na ito sa tatlong paraan: ingestion (pagkakalunok o pagsubo), inhalation (pagkakasungot), at dermal contact (pagkapit sa balat). Binigyang-diin din niya na ang matinding init ng temperatura ay lalong nagpapataas sa tsansa na maglabas ng masasamang fumes o kemikal ang mga naturang plastik.
Upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata, pinaalalahanan ng Ban Toxics ang mga mamimili na suriin ang label ng mga laruan alinsunod sa RA 10620 o Toy and Game Safety Labeling Law. Ayon sa batas, dapat makita sa balot ng laruan ang pangalan, address, at contact information ng manufacturer. Mayroon din dapat impormasyon papatungkol sa importer at bansang pinagmulan nito. Label na nagsasabi ng age grading upang malaman kung para sa anong edad ang laruan. Mga hazard warnings gaya ng choking hazard at iba pang chemical hazards. At ang kanilang License to Operate (LTO) number na ibinibigay ng Food and Drug Administration (FDA).
Hinimok ni Dizon ang mga regulatory agencies na higpitan ang pagbabantay sa mga pamilihan laban sa mga unregistered at unnotified na produkto. Pinayuhan naman ang mga magulang na huwag tangkilikin ang mga kahina-hinalang laruan at agad itong i-report sa mga awtoridad.
Samantala, inanunsyo rin ng grupo na kasalukuyan na silang nagsasagawa ng pagsusuri sa mga school supplies bilang paghahanda sa nalalapit na Brigada Eskwela at pagbubukas ng klase, kung saan ilalabas din nila ang resulta sa publiko sa mga susunod na araw.










