Inaasahan na mananalasa ang bagyong Uwan sa La Union bandang ala singko ng madaling araw bukas at dahil malapit ito sa lalawigan ng Pangasinan ay aasahan ang malakas na hangin at malakas na ulan na mararanasan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Gener Quitlong – Weather forecaster, PAGASA, bukas din ay unti unti nang lalabas sa Philippine area of responsibility.

Ngunit kahit papalabas na o nakalabas na ito ay apektado pa rin ang Ilocos Region partikular na ang dagat sa ilocos Region.

--Ads--

Kaya naman binalaan ang mga mangingisda sa Ilocos Region na huwag na munang pumalaot dahil napakamapanganib ang bagyo.

Samantala, ipinaliwanag ni Quitlong na karaniwan na kapag ber months ay malalakas ang bagyo sa kadahilanang nasa Pacific Ocean pa ay nagiging bagyo na.

Aniya, habang nasa dagat ang bagyo ay doon kumukuha ng lakas at lalo na kapag mainit ang temperatura sa dagat.

Naging paborable umano kay Uwan ang dagat na kinalalagyan nito dahil mainit kaya mabilis ang paglakas ng bagyo at nagiging supertyphoon na bago makarating sa bansa.

Inaasahan naman na 2 hanggang 3 bagyo pa ang maaaring pumasok sa bansa.