Dagupan City – Pormal nang binuksan sa publiko ang bagong Business One-Stop Shop (BOSS) na matatagpuan sa ground floor ng munisipyo sa bayan ng Malasiqui.

Pinangunahan ng alkalde, bise alkalde ng bayan, at ilan pang opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan ang pagpapasinaya kasama sina Rev. Fr. Mario C. Sanchez, na siyang nagbigay ng basbas sa gusali.

Ang bagong BOSS ay naglalayong mapabilis ang proseso ng aplikasyon para sa iba’t ibang permit ng LGU.

--Ads--

Sa isang lugar na lamang matatagpuan ang mga kinauukulang ahensya na responsable sa pagsusuri at pag-apruba ng mga permit tulad ng tricycle permit, locational clearance, business permit, at marami pang iba.

Samantala, hindi na rin kailangang pumunta pa sa mga pangunahing opisina ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) dahil maaari na ring makuha ang mga serbisyo ng mga ito sa nasabing opisina.

Ang mga benepisyaryo ng financial assistance mula sa MSWDO at OSCA ay maaaring magproseso ng kanilang mga aplikasyon sa BOSS na matatagpuan sa Government Center sa Don Vicente Quintans St., Brgy. Poblacion.

Ang BOSS ay itinuturing na isang hakbang patungo sa mas mabilis at mas maginhawang serbisyong publiko para sa mga mamamayan sa nasabing bayan.