Hindi gaanong umaasa ang sektor ng agrikultura sa mga bagong anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), ayon kay Leonardo Montemayor, chairman ng Federation of Free Farmers (FFF).
Sa panayam, sinabi ni Montemayor na matapos ang halos apat na taon ng administrasyon ni Marcos, nananatili pa rin ang malalaking hamon sa sektor ng agrikultura, partikular ang kahirapan ng mga magsasaka at mangingisda.
Ayon sa kanya, mahirap makita kung magkakaroon ng malaking pagbabago sa kalagayan ng mga magsasaka kung magpapatuloy ang kasalukuyang mga polisiya sa natitirang bahagi ng administrasyon.
Tinalakay rin ni Montemayor ang programa ng gobyerno na pagbebenta ng ₱20 kada kilo ng bigas, na isa sa mga naging pangunahing pangako ni Pangulong Marcos noong kampanya.
Aniya, ang naturang presyo ay isang “artificial price” at hindi maaaring tumagal nang walang malaking subsidiya mula sa pamahalaan.
Ipinaliwanag niya na kung bibili ang gobyerno ng palay sa mas mataas na presyo upang suportahan ang mga magsasaka, magiging mahirap para rito na magbenta ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo nang hindi nalulugi.
Dagdag pa niya, maaaring makinabang ang ilang mamimili sa murang bigas sa maikling panahon, ngunit hindi ito magiging pangmatagalang solusyon dahil maaari nitong dagdagan ang gastusin at utang ng pamahalaan.
Binanggit din ni Montemayor ang malaking utang ng bansa bilang isa sa mga limitasyon ng gobyerno sa pagpapatuloy ng malawakang subsidiya.
Kinilala naman ni Montemayor ang pagtaas ng pondo para sa Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng administrasyong Marcos, na aniya ay isang positibong hakbang.
Gayunman, iginiit niya na hindi sapat ang malaking badyet kung hindi naman nakikita ang kaukulang pagtaas sa produksyon ng pagkain.
Nanawagan naman ito sa pamahalaan at pribadong sektor na bigyang prayoridad ang mga magsasaka at mangingisda, na tinukoy niyang pundasyon ng ekonomiya at seguridad sa pagkain ng bansa.










