Nagbigay ng komento ang grupong Bantay Bigas kaugnay sa inilabas na pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. na nais niton mapababa ang presyo ng bigas sa lalong madaling panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa tagapagsalita ng naturang grupo na si Cathy Estavillo, bago magsalita ang pangulo ay sana alamin niya muna ang status ng bigas lalo na ang presyuhan nito sa merkado.
Saad nito na sa katunayan ay matagal na nilang hinihintay ang P20 na presyo ng bigas na kaniyang ipinangako sa kaniyang kampanya sa pagkaPangulo ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin naman aniya ang pagtaas ng presyo ng naturang produkto sa palengke.
Mismong ang kanilang grupo ay may datos kung saan tumaas na naman umano ng P4 amh well-milled rice habang ang mga regular milled rice ay tumaas din ng piso hanggang dalawang piso.
Mapalokal man o bigas na galing importasyon ay parehong mataas ang presyo.
Dapat aniyang maglatag ang pangulo kung paano nga ba nito maaabot ang P20 per kilo ng bigas sa gitna ng mataas na cost of production.
Hangga’t hindi umano niya nagagawan ng paraan ang pagbaba ng cost of production ng mga magsasaka, kailanman ay hindi niya maaabot ang presyong kaniyang ipinangako dahil hindi rin aniya ito posible hangga’t binabaha ng pangulo ang palengke ng mga imported na bigas.
Dahilan nito, kailanman ay volatile ang presyo ng imported na produkto sa world market depende sa availability nito na kung low supply on demand aniya ay awtomatikong mataas ang magiging presyuhan nito.
Mungkahi nito sa Pangulo na dapat na munang unahin ang pagbibigay ng importansya sa industriya ng agrikultura, lagyan niya ng malaking pondo at i-subsidies umano nito ang cost of production ng mga magsasaka kasabay ng presyo ng bigas sa merkado.
Magagawa lamang umano ng pangulo ang kaniyang pangako kung mabibili niya ang 25 na porsyento ng lokal na produksyon sa mataas na presyo na hindi malulugi ang mga magsasaka at kung maibebenta niya ito sa palengke sa presyong kaniyang inilahad.