Mga kabombo! Ano ang gagawin mo kapag bigla kang inatake ng isang baboy ramo? Lahat naman siguro ay matatakot at mapapahiyaw sa kaba.

Ito ay marahil nasugatan ang isang lalaki sa Indonesia matapos siyang atakihin at halos hindi tantanan ng isang baboy ramo na nakatakas mula sa isang event ng mga pig hunter.

Sa ulat, sinabing nakapuga ang baboy ramo sa hunting event na inorganisa ng Pig Hunting Sports Association.

--Ads--

Kung saan nagtatakbo ang baboy hanggang sa makarating sa isang palengke at nakalusot sa mga kabahayan kung saan niya pinuntirya ang isang lalaki na nasa labas ng bahay.

Pinagkakagat ng baboy ramo ang binti ng lalaki hanggang sa napatumba sa kalsada.

Tinangka naman ng ibang residente na saklolohan ang lalaki at pinagpapalo nila ito at binato pa ng silya.

Ilang saglit na tumigil ang baboy pero nang tangkain ng biktima na tumayo, muli siyang inatake ng hayop.

Kinalaunan, tumakas din ang baboy at iniwan na ang biktima. Hindi naman nabatid kung ano ang nangyari sa baboy ramo.

Pero ang kaniyang biktima, dinala sa ospital at inilipat kinalaunan sa mas malaking ospital dahil sa tindi ng mga tinamong sugat at kailangan siyang operahan.

Nangako na man ang organisasyon ng pig hunters na gagawa sila ng hakbang para hindi maulit ang insidente.