DAGUPAN CITY- Mas pinaiigting pa ng mga awtoridad ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLT Marilyn O. Garrino, Police Community Relations Officer ng PNP Drug Enforcement Group (DEG) Pangasinan, nagsisilbing pangunahing yunit ng Philippine National Police na nakatutok sa pagsugpo sa ilegal na droga, alinsunod sa mandato ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Aniya, isa sa kanilang pangunahing layunin ay ang supply reduction o ang pagbabawas ng suplay ng droga sa merkado.
Napapansin din umano ng opisina ang pagdami ng mga nagtutulak at kasabay nito ay ang pagtaas ng bilang ng mga nahuhuli.
Karamihan din sa mga ilegal na droga ay hindi nagmumula sa loob ng Pangasinan, kundi galing sa mga karatig-lugar.
Binigyang-diin ng opisyal na maaaring makasuhan ang sinumang mapapatunayang sangkot sa operasyon ng droga.
Nanawagan din siya sa publiko na makipagtulungan sa kanilang opisina upang mas mapabilis at maging epektibo ang kampanya kontra droga sa rehiyon.