Inalmahan ni dating presidential spokesman Atty. Harry Roque ang naging pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na personal niyang aarestuhin si Roque kaugnay sa human trafficking charges laban sa kaniya sa korte sa Pampanga, sa oras na lumabas ang red notice ng International Criminal Police Organization (Interpol).
Sa isang video statement, binigyang-diin ni Atty. Roque na walang awtoridad ang kalihim ng DILG na mag-aresto sa Pilipinas man o sa ibang bansa, at ibinabalang ang anumang pagtatangkang sapilitang arestuhin siya sa Austria ay maituturing na kidnapping.
Giit ni Roque, ang pag-aresto sa isang indibidwal ay nasa kamay ng alagad ng batas kabilang na ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Ipinaliwanag din ni Atty. Roque na maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay walang awtoridad na mag-aresto maliban na lamang kung ang aarestuhin ay military personnel.
Sakali man aniya na magpadala ng mga Pilipinong pulis, ito ay lalabag sa soberaniya at hurisdiksiyon ng Austria.
Inihayag din ni Atty. Roque na hindi magagawa sa Austria ang ginawa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na aniya’y kinidnap sa Villamor Air Base.
Samantala, nagbigay naman ang dating presidential spokesman ng tinawag niyang “free legal advice” para kay Secretary Remulla na naghihikayat sa kaniya na huwag siyang arestuhin sa Austria kung ayaw niyang siya umano’y ipahuli.
Sinabi rin ni Atty. Roque kay Sec. Remulla na inaantay niya ito sa Austria at doon sila magkita.
Sa ngayon, pinaniniwalaang nasa Austria si Roque at nasa Europe mula ng iisyu ng Angeles City Regional Trial Court ang warrants of arrest laban sa kaniya at sa 49 iba pa noong Mayo ng nakalipas na taon.










