Pinayuhan ni dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Domingo Cayosa si Senator Rodante Marcoleta na balikang basahin ang nilalaman ng ‘anti plunder law.’

Ito ay kasunod ng naunang pahayag ni Marcoleta na hindi siya dapat makasuhan ng plunder dahil ang kaniyang tinanggap na campaign donations ay hindi public funds.

Giit ni Cayosa, ang naturang ‘defense’ ni Marcoleta ay hindi otomatikong magdidismiss sa kaniyang plunder case, kung ibabase sa saklaw ng plunder law.

--Ads--

Binalikan ng abogado ang naunang pag-amin ni Marcoleta na tumanggap siya ng P75 million na pondo noong kumandidato siyang senador sa nakalipas na halalan.

Dahil hindi nakalagay sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ang naturang halaga at maituturing itong ill-gotten wealth, sasaklawin na nito aniya ng P50-million threshold na basehan para sa plunder case.

Dahil hindi rin maituturing na campaign donation ang naturang halaga, tulad ng naunang pagkumpirma ng Commission on Elections, kailangan na aniyang maihanay ito sa kaniyang kayamanan, bilang opisyal.

Ayon kay Cayosa, mistulang itinago ni Marcoleta ang milyon-milyong donasyon na natanggap niya sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon dahil hindi ito nakalagay sa kaniyang SALN at Statement of Contributions and Expenditures.

Ang ginawang ito ng senador aniya ay mas nakakasama ngayon sa kaniyang sitwasyon kung saan inaasahang masasampahan na siya ng plunder case sa hinaharap.