Sa gitna ng mga paghahanda para sa nalalapit na pagbubukas ng klase, muling binigyang-diin ni Arlene James Pagaduan, Presidente ng ASSERT Central Luzon, ang mga “perennial problems” o mga pabalik-balik na hamon na kinakaharap ng sektor ng edukasyon sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ipinahayag ni Pagaduan na bagama’t nakahanda ang mga guro at paaralan para sa Brigada Eskwela, nananatiling malaking pasanin ang kakulangan sa mga silid-aralan na malayo sa naging target ng mga nakaraang administrasyon. Bukod dito, inirereklamo rin ang pagiging overloaded ng mga guro na bukod sa pagtuturo ay kailangan pang humarap sa napakaraming administrative tasks at mga ulat na walang kinalaman sa kanilang propesyon.

Isa rin sa mga sentrong usapin ang kalituhan sa ipatutupad na kurikulum. Ayon kay Pagaduan, tila “nahihilo” ang mga guro dahil sa sabay na oryentasyon para sa Matatag Curriculum at ang usapin ng three-term curriculum. Binatikos niya ang kawalan ng sapat na konsultasyon at paghahanda, kung saan idinaan lamang sa maikling webinar ang oryentasyon na hindi sapat para sa malaking pagbabagong ito.

--Ads--

Binigyang-pansin din ang kalagayan ng mga guro at mag-aaral sa gitna ng matinding init ng panahon. Sa muling pagbabalik ng pasukan sa buwan ng Hunyo, kakaharapin ng mga paaralan ang hamon ng heat index. Ayon kay Pagaduan, maraming guro na may high blood pressure ang nahihirapan sa sobrang init sa loob ng mga silid-aralan na walang air condition.

Nanawagan ang ASSERT sa Department of Education (DepEd) na maglaan ng sapat na pondo para sa maintenance ng mga paaralan upang hindi na kailanganin pang “manlimos” ng mga guro mula sa mga stakeholders at magulang. Giit ni Pagaduan, madalas na ang mga guro pa ang nagsasagawa ng “out-of-pocket” na gastos at napagbibintangan pa sa personal na pangongolekta ng pondo, gayong nais lamang nilang mapaganda ang kapaligiran para sa mga bata.

Sa huli, hinimok ni Pagaduan ang pamahalaan na unahin ang kapakanan ng mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng sapat na pasilidad, tamang sahod, at pagbawas sa mga abalang hindi naman kailangan sa pagtuturo.