Mga kabombo! Nakakita na ba kayo ng senior citizen na mukhang nasa 20 years old lang?

Ito ngayon ang tanong ng netizens, paano nga ba nagagawa ng isang 60-anyos na magmukhang parang nasa 20s pa lang?

Kinilala ang lolong ito na isang Singaporean photographer at model na si Chuando Tan.

--Ads--

Bansag ng karamihan sa kaniya, “Asian vampire,” “the man who never ages,” at “Singapore’s hottest uncle.”

Sumikat si Tan sa buong mundo noong 2017 nang mag-viral sa social media ang kanyang mga larawan na noon ay 50 taong gulang.

Sa katunayan marami ang hindi makapaniwala sa kaniyang itsura dahil sa kanyang mukha at pangangatawan na tila hindi tinablan ng panahon.

Dahil dito, mabilis siyang naging internet sensation at nakaipon pa ng mahigit 1 milyong followers sa social media platform.

Ayon kay Tan, wala siyang cosmetic procedures o plastic surgery at iniuugnay niya ang kanyang itsura sa tamang pagkain at regular na ehersisyo.

Sa kanyang birthday post, ibinahagi rin niya ang kanyang pananaw tungkol sa buhay at oras.

Aniya, ang oras ang tunay na kayamanan at nais niyang mamuhay nang mas simple—malapit sa kalikasan at sikat ng araw.

Bagama’t aminado siyang nararamdaman niya ang pressure ng pagtanda, para sa maraming tagahanga, tila hindi pa rin halata ang kanyang edad.