Dagupan City – Apat na lalaki ang naaresto habang isa pa ang nasugatan sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya kaugnay ng isang insidente ng pagnanakaw sa Bauang, La Union.

Isinagawa ang operasyon ng Bauang Municipal Police Station bilang lead unit, katuwang ang San Carlos City Police Station, Basista MPS, Malasiqui MPS, SWAT at Provincial Intelligence Unit o PIU ng Pangasinan Police Provincial Office.

Ayon kay San Carlos City Police Chief of Police Lieutenant Colonel Lawrence Calub, batay sa paunang imbestigasyon, tinugis ng mga operatiba ang mga suspek na sinasabing sangkot sa pananakaw na naganap sa Bauang noong Setyembre 28, mula alas-onse ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali.

--Ads--

Isang ginang umano ang biktima, na sinasabing nawalan ng mga gamit at cash.

Sa pagpapatuloy ng hot pursuit operation, naaresto ang apat na suspek sa bahay ng isa sa kanilang kasamahan sa Barangay Turac, San Carlos City, Pangasinan.

Samantala, nasugatan ang isa pang suspek matapos magtamo ng tama ng bala sa kanang bahagi ng mukha. Agad itong isinugod sa isang pagamutan sa Barangay Ilang, San Carlos City, at kasalukuyang naka-confine.

Kinilala rin ng pulisya ang isa pang suspek na nananatiling nakatakas at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Dinala muna sa Pangasinan Provincial Hospital ang mga naarestong suspek para sa medical examination bago inilipat sa Bauang MPS sa La Union para sa kaukulang disposisyon.