DAGUPAN CITY – Opisyal nang engaged ang American pop superstar na si Taylor Swift sa kanyang nobyong NFL star na si Travis Kelce, matapos ang dalawang taong relasyon.

Ikinagulat ng mga fans nang ibahagi ni Taylor sa Instagram ang kanilang mga larawan ng engagement.

Makikita sa mga litrato ang dalawa na magkayakap at magkahawak-kamay sa isang bulaklakang paligid, isang close-up ng oval diamond ring ni Taylor, at si Travis na nakaluhod habang nagpo-propose.

--Ads--

Nagsimula ang kanilang kwento ng pag-ibig noong Hulyo 2023, nang tumigil ang Eras Tour ni Taylor sa Arrowhead Stadium sa Kansas City, ang tahanan ng koponan ni Travis na Kansas City Chiefs.

Ibinunyag ni Travis sa kanyang podcast na sinubukan niyang abutan si Taylor ng friendship bracelet na may nakasulat na numero ng kanyang telepono sa mismong concert.

Bagamat hindi naging matagumpay ang tangkang iyon, nakarating din kalaunan ang balita kay Taylor at doon nagsimula ang kanilang ugnayan.

Pagsapit ng Setyembre 2023, lumaganap ang mga tsismis matapos makita si Taylor sa isang laro ng Chiefs, nakaupo katabi ang ina ni Travis na si Donna Kelce.

Ang paglitaw na iyon ang tila kumpirmasyon ng kanilang relasyon, na agad naging isa sa mga pinaka-pinag-uusapang love teams sa larangan ng pop culture at sports.

Mula noon, hindi na sila nagkulang sa pagsuporta sa isa’t isa madalas dumalo si Taylor sa mga laro ng Chiefs, kabilang na ang kanilang tagumpay sa Super Bowl kontra sa San Francisco 49ers noong Pebrero 2024.

Matapos ang panalo, nakita ang magkasintahan na naghahalikan sa field habang ipinagdiriwang ng Chiefs ang kanilang kampyonato.