Ibinahagi ng isang vlogger ang kanyang karanasan bago siya nagsimulang mag-vlog at tuluyang naging isang full-time content creator.

Ayon kay Sassa Mejiano, mas kilala bilang Amazing Sassa, isang vlogger mula sa Isabela, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, bago siya naging vlogger ay nagtrabaho muna siya bilang radio DJ, singer, at nagtrabaho rin sa abroad.

Noong taong 2023, napagdesisyunan niyang maging full-time vlogger.

--Ads--

Si Sassa ay ipinanganak sa bayan ng Umingan at lumaki sa Isabela. Kuwento niya, wala siyang kamalay-malay na mapapasok siya sa mundo ng vlogging.

Nagsimula ang kanyang pag-upload ng mga video 13 taon na ang nakalilipas, nang minsan ay pumunta siya sa isang burol kung saan ginaya niya ang iyak ng anak ng namatay. Ito ay kinunan ng video at kanyang ipinost.

Tuloy-tuloy lamang ang kanilang pagpo-post ng mga video hanggang sa kalaunan ay nabuo ang pangalang Amazing Sassa.

Hindi pa umano uso ang pagiging content creator noong mga panahong iyon. Ginagawa lamang niya ang pag-upload ng videos upang makapagpasaya ng mga tao. Pagkatapos lamang ng pandemic naging mas tanyag ang content creation.

Napagpasyahan niyang maging full-time content creator nang makita niyang maaari itong makatulong sa kanya, lalo na’t kumikita siya mula sa mga performance at mga event na kanyang sinasalihan.

Sa kasalukuyan, ayon kay Sassa, napakahirap nang maging trending sa social media kaya payo niya sa mga nagsisimula pa lamang mag-vlog na magkaroon ng sariling branding.