Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa pamahalaan na alisin sa mga guro ang mga gawaing hindi kabilang sa kanilang pangunahing tungkulin, kabilang ang pagsasagawa ng routine deworming sa mga paaralan, kasunod ng insidenteng ikinasawi ng isang mag-aaral matapos ang isinagawang deworming.

Ayon kay Ruby Bernardo, National Chairperson ng ACT Philippines, ang naturang insidente ay nagsisilbing “wake-up call” sa gobyerno upang tugunan ang matagal nang problema ng labis na dagdag na trabaho ng mga guro.

Sinabi ni Bernardo na ang mga guro ay patuloy na inaatasang gampanan ang mga gawaing nararapat umanong isinasagawa ng mga health worker at iba pang kawani ng pamahalaan dahil sa kakulangan ng mga tauhan sa mga paaralan.

--Ads--

Ayon sa ACT, bukod sa deworming, inaasikaso rin ng mga guro ang nutritional assessment, feeding program, iba’t ibang clerical work, at maging ang ilang tungkuling may kaugnayan sa seguridad ng paaralan. Anila, ang mga ito ay nadaragdag sa kanilang trabaho nang walang kaukulang overtime pay o karagdagang kompensasyon.

Ipinunto rin ni Bernardo na ang kakulangan ng school nurses at doctors ang pangunahing dahilan kung bakit naipapasa sa mga guro ang mga gawaing may kaugnayan sa kalusugan ng mga mag-aaral.

Bilang halimbawa, sinabi niyang sa isang dibisyon sa National Capital Region na may 156 na paaralan ay isa lamang umano ang school nurse at isa ring school doctor.

Sa kabila nito, nilinaw ni Bernardo na ang school-based deworming program ay may sinusunod na proseso. Aniya, boluntaryo ang pagsali rito at kinakailangan munang magkaroon ng orientation at nakasulat na pahintulot mula sa mga magulang bago isailalim sa deworming ang mga bata.

Dagdag pa niya, ang mga gamot na ginagamit sa programa ay mula sa Department of Health (DOH), dumaraan sa kaukulang pagsusuri, at ang mga gurong tumutulong sa implementasyon nito ay sumasailalim din sa pagsasanay sa ilalim ng gabay ng mga medical personnel.

Binigyang-diin ng ACT na hindi dapat sisihin ang mga guro sa mga insidenteng may kaugnayan sa deworming dahil, anila, hindi naman sila ang mga eksperto sa larangan ng medisina at ang naturang tungkulin ay ipinagkatiwala lamang sa kanila dahil sa kakulangan ng mga tauhang pangkalusugan sa mga paaralan.