Dagupan City – Nilinaw ni Mayor Pedro “Pete” Merrera ng Binmaley, Pangasinan ang mga isyung ibinabato kaugnay pamamahala sa turismo ng bayan, kasunod ng mga alegasyon na kumakalat sa social media at ilang sulatin.
Ayon sa alkalde, matagal na umanong isyu ang usapin sa turismo at paulit-ulit lamang na ibinabangon.
Ipinaliwanag niya na ang pondong ginamit para sa pagpapatayo ng isang gusali para sa turismo ay dumaan sa wastong proseso at alinsunod sa layunin nito noong nakaraang administrasyon, sa ilalim ng dating pamunuan ng tourism office.
Binigyang-diin din ni Merrera na mahalagang unawain muna ang kabuuang konteksto at mga umiiral na ordinansa bago maglabas ng pahayag o akusasyon.
Aniya, dokumentado ang lahat ng transaksyon at hakbang ng lokal na pamahalaan kaugnay ng mga proyekto sa turismo.
Nilinaw rin ng alkalde ang usapin hinggil sa pagtatalaga ng tourism focal person sa bayan. Aniya, may pagkakaiba ang posisyon at ang representasyon bilang focal person.
Ipinaliwanag niyang ang kasalukuyang itinalaga ay may sapat na kwalipikasyon alinsunod sa itinakdang salary grade at may kaukulang basbas mula sa provincial tourism office upang palitan ang naunang hindi umano kwalipikado.
Hinimok ni Merrera ang publiko na maging mapanuri at alamin ang katotohanan bago maniwala sa mga paratang.
Iginiit niyang nanaig at mananaig ang katotohanan at makikita rin ng mga mamamayan ang tunay na kalagayan at mga ginagawa ng pamahalaang bayan para sa Binmaley.










