DAGUPAN CITY- Nagpasalamat ang alcalde sa lungsod ng San Carlo sa mga mamamayan matapos siyang muling mahalal para sa kanyang ika-anim na termino bilang alkalde.
Ipinahayag ni Mayor Jukier “Ayoy” Resuello ang taos-pusong pasasalamat sa tiwalang ibinigay ng kanyang mga kababayan, na aniya’y patunay ng pagkilala sa mga serbisyong kanilang naibigay ng kanyang administrasyon sa mga nagdaang taon.
Binanggit ni Mayor Resuello na hindi matatapos sa isang proyekto ang pagiging epektibong mayor dahil kinakailangang laging pagtuunan ng pansin ang mga nagbabagong pangangailangan ng mga mamamayan depende sa panahon.
Binigyang-diin din ng alkalde na kailangang suriin nang masinsinan ang kakulangan sa bawat sektor, lalo na sa kalusugan, agrikultura, at edukasyon.
Ayon sa kanya, asahan ng publiko ang mas progresibo at agresibong mga hakbang mula sa lokal na pamahalaan, kasama ang mga opisyal na katuwang sa pagpapatupad ng mga programa.
Bagaman may mga ahensya at opisina nang nakaatas sa pagbibigay-serbisyo, naninindigan si Resuello na ipagpapatuloy niya ang personal na pakikihalubilo sa mga tao upang lubos niyang maunawaan ang kanilang mga hinaing at pangangailangan.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, tiniyak ni Mayor Resuello na hindi siya magpapahinga hangga’t may mga sektor pang nangangailangan ng mas malalim na pansin at tulong.